Caretaker, pinatay/hinoldap sa simbahan

STO DOMINGO, Nueva Ecija — Pinaslang sa harapan ng ginagawang simbahan ang isang 56-anyos na caretaker makaraang agawan ng bag, noong Sabado ng gabi sa may Maharlikha Highway sakop ng Purok 2, Brgy Baloc dito.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Mayor Imee L. De Guzman, nakilala ang biktima na si  Danilo Corrrea Vibas, residente ng Brgy. Sto. Nino 1st San Jose City, Nueva Ecija.

Nabatid na dakong alas 6:55 ng gabi ay papasok si Vibas sa gate ng San Geronimo Church nang pagbabarilin ng salarin.

Batay sa salaysay ng  batang saksing si John Daniel de Guzman Quinto, 9-anyos, ang suspek ay tinatayang may taas na 5’7”, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng bonnet na mabilis tumakas pagawing Science City of Munoz.

Ayon kay Dennis Dysico Geraldez, 49, may-ari ng  Recommeded Builders at  residente ng Abar 1st San Jose City, Nueva Ecija, kakokolekta lang ni Vibas ng payroll money na may P52,000 mula sa kanya na laman nang inagaw na bag.

Tatlong tama ng baril sa ulo at katawan ang ikinasawi ni Vibas.