‘Di ko lubos maisip kung bakit ‘di pinagbigyan si Carmelo Anthony na maglaro sa Team USA.
Wala nang gustong kumuha kay Melo na National Basketball Association team, pati ba naman sa Team USA? Na sigurado namang malaki pa ang maiaambag nito.
Si Melo ang isa sa may pinakamaganda, o kundi man, siya ay ang pinakamatagumpay na Olympic player ng Team USA.
Ang dahilan nang pagtanggi sa kanya? Magiging distraction lang umano ito para sa koponan dahil mga bata ang kasali ngayon.
Sa mga nakamit ni Melo bilang Olympic player, siguradong maganda kung may isang beterano sa koponan na gagabay sa mga baguhan.
Tampok siya at siya lang ang nakagawa na maka-3 gold medals para sa Team USA noong 2008, 2012 at 2016, nangunguna pa sa puntos na may 336 points.
Kung sa galing lang, may ibubuga pa si Melo!
***
Isa sa ‘di ko gustong makita ay ang may ma-injury. Nilisan na nga ni Atlanta Hawks young star Trae Young ang pagte-training kasama ang Team USA dahil sa minor injury niya.
Dasal ko nga na sana ay minor lang ito, dahil si Young ang isa sa mga nakasasabik panoorin sa 74th NBA 2019-2020 sa darating na Oktubre.
Maihahalintulad nga ang galaw niya kay Stephen Curry, na sa kanyang rookie year ay nagpasiklab na dahil sa husay na ipinakita.
Nakatapos bilang pangalawa sa botohan ng Rookie of the Year, pero ‘di maiaalis na siguradong siya ay magkakaroon ng matagumpay na karera.
Get well soon, Trae!
***
Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o nais itanong, mag-email lamang po sa alecpaolo2016@gmail.com. Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!