Swak sa piitan ang isang driver matapos itakas ang minamanehong taxi sa Quezon City.

Sa report kay P/Sr. Insp. Alan T. Dela Cruz, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay si Carmelita dela Cruz Furutera, negos­yante, may-ari ng Anzen Taxi at taga-No. 10C Peso St., CBE Townhomes, Brgy. Pasong Tamo, QC.

Kasong carnapping naman ang isasampa kay Gerardo Saldivar Basa, 50-­anyos, may asawa, taxi driver at taga-Santisima Trinidad ­Valley 6, Brgy. San Antonio, Parañaque City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente, ng CIDU, naaresto ang suspek dakong alas-sais ng gabi (Nobyembre 25) sa Batasan-San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills, QC.

Sa reklamo ng dispatcher ng taxi na si Daniel Plasquita, kinuha umano sa kanya ni Basa ang susi ng Anzen taxi (AVN-128) na nakagarahe sa tahanan ng operator na si Furutera subalit hindi na ito ibinalik.

Pinatawagan ni Furutera si Basa subalit hindi na ito sumasagot, maging sa mga ipinapadalang text messages kaya makalipas ang apat na araw ay inireklamo na ang suspek ng “carnapping.”

Nitong Nobyembre 25, ay naispatan ng kapatid ng biktima ang kinarnap na sasakyan kaya agad ini-report sa pulisya.
Mabilis namang nagresponde ang mga pulis at nang abutan ang suspek, sa halip na huminto ay pinaharurot pa ang ninakaw na taxi kaya hinabol na ng mga awtoridad hanggang sa makorner sa Batasan-San Mateo Road.