Sobrang hirap ang mga mananaya sa pagpili ng mga mananalo nitong nakaraang MetroTurf Christmas Super Weekend sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.

Muntik magkaroon ng bagong carry-over sa nag-iisang winner-take-all noong Sabado. Pero may nanalo rin pagkatapos ng pitong balikatang karera.

Putok ang tao sa loob ng MetroTurf Racing Complex, nag-uumapaw din ang mga tao sa off-track betting stations (OTBs) na nagkalat sa Kamaynilaan.

Naging exciting ang 13 karerang pinaglabanan nu’ng araw na ‘yun na nagresulta ng nag-iisang nanalo sa first WTA event habang no-winner na naman ang second set.

Isang horse owner na nagpunta mismo sa karerahan ang masuwerteng nag-uwi ng mahigit P2.3-million bilang solo winner. Dahil nandu’n siya sa karerahan, hindi niya siyempre maiwasan na maging Santa Claus sa mga taong nagsipila para mamalato sa kanya.

Malaki rin ang naging puhunan ng solo winner dahil ang balita namin ay namuhunan siya ng mahigit P14,000 para masungkit ang milyones. At hindi naman siya nalungkot dahil matagumpay na nakalusot ang kanyang mga naisamang dehado na nagresulta nga ng pagiging solo winner niya.

Pero sa ikalawang set ng bakbakang umaatikabo sa pista, marami ang napanganga nang biglang i-flash sa screen na walang nanalo kaya mahigit P600,000 ang carry-over na paglalabanan sa susunod na racing schedule ng Metro Manila Turf sa Disyembre 22.  At napatapat ito sa mismong araw ng ‘Pasasalamat ni Mayor Tony Calixto!’