Cash aid ng Makati LGU sinamantala ng scammer

Giniit ng lokal na pamahalaan ng Makati City na walang hinihinging halaga ang lungsod at GCash para makauha ang P5,000 tulong pinansyal sa ilalim ng MAKA-Tulong 5K Program.

Sa binahaging larawan ng opisyal na Facebook page nito na My Makati, ipinakita na ginamit ang pekeng account na ‘Makatizen’ na nagpadala ng mensahe sa isang residente para maglagay umano ng pera sa isang account ng hindi bababa sa P1,000 para makuha ang ayuda.

“Nais naming linawin na WALANG hinihingi ang pamahalaang lungsod o ang GCash na pera o kung anuman para makuha ninyo ang ayuda sa ilalim ng MAKA-Tulong 5K Program,” saad ng post ng My Makati.

Naiulat na umano ang insidente sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP). Iniimbestigahan na umano ang responsible sa panloloko sa mga residente.

“Pinapaalalahanan ang lahat na mag-ingat sa mga scammer. Sa ating official MyMakati Facebook page lamang magpadala ng importanteng impormasyon para sa inyong MAKA-Tulong 5K for 500K application,” ayon pa sa post.