Cash aid pinambili ng ‘bato’

Arestado ang apat na lalaki na nahuling bumabatak ng shabu na umamin na galing ang pera na pinambili ng droga sa nakuhang cash assistance mula sa gobyerno sa Bgy. Buboy, Pagsanjan, Laguna.

Nahuli sa akto ng shabu session ng mga pulis ang mga suspek sa isang sagingan matapos makatanggap ng tip mula sa mga residente ng lugar.

Ayon kay Police Capt. Fernando Credo, hepe ng Pagsanjan police, umamin ang isa sa mga suspek na galing P6,500 cash subsidy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang perang ginamit na pambili ng shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang ilang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Nagsisisi naman ang arestadong benepisyaryo sa kanyang ginawa.

“Sana sa lahat ng nakatanggap sana gamitin sa mabuti, ipambili ng pagkain keysa ibili ng bisyo kung ayaw niyo matulad sa akin,” sabi pa nito.

Kasalukuyang nakakulong ang mga ito at kinasuhan nang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.