Cash aid sa namatay, nagkasakit na health worker i-tax free – Recto

Matapos mabunyag na wala pang health worker na nahawaan o namatay sa COVID-19 ang nakatanggap ng kompensasyon alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Law, inamiyendahan ng mga senador ang batas para mapabilis ang pagbigay ng cash aid at ilibre ang mga ito sa buwis.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, isang bagong probisyon ng Senate version ng panukala para sa pagpagpapalawig ng naturang batas ang nag-oobligang bayaran ng hindi tatagal sa 90 araw matapos ang petsa ng confinement o pagkamatay ng isang health worker.

“We are imposing a deadline. Its release should not be at the mercy of red tape,” pahayag ni Recto.

Sa ilalim ng kasalukuyang Bayanihan to Heal as One Law, ang mga public at private health worker na nagkasakit dahil sa COVID-19 ay makatatanggap ng kompensasyon na P100,000 bukod pa sa libreng hospital at paggamot nito.

Para naman sa mga namatay, ang kanilang beneficiary ay makatatanggap ng P1 milyon bilang kompensasyon.

Ayon kay Recto, sa ilalim ng panukalang “Bayanihan Act II”, lahat ng death at sickness compensation ay exempted sa lahat ng buwis sa ilalim ng National Internal Revenue Code.

“‘Yung mga pabuya nga sa mga atletang nagkamedalya walang buwis, ito pa kayang para sa mga totoong nagbuwis buhay?” ani Recto,

Sa kasalukuyan, 32 health care worker na ang namatay sa COVID-19. Sa naturang bilang, 26 ay mga doktor, apat ang nurse at dalawa naman ang non-medical staff. (Dindo Matining)