Cash assistance sa mga taga-Pasay ipinamahagi na

SINIMULAN na kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) Cash Assistance sa mga kwalipikadong residente ng lungsod ng Pasay.

Mismong si DSWD Secretary Rolando Bautista ang personal na sumaksi sa pamamahagi ng cash assistance na nagkakahalaga ng P8,000 sa mga kuwalipikadong residente ng anim na barangay sa lungsod na ginanap sa loob ng Pasay City West High School dakong alas-2:30 ng hapon.

Bagama’t hindi nakadalo si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano upang saksihan ang pamamahagi, kumatawan naman sa kanya si City Social Welfare Officer Rosalinda Orobia.

Sinabi ng alkalde na bagama’t nag-negatibo na siya sa corona virus disease (COVID) 19 makaraan ang isinagawang swab testing, kinakailangan niyang tapusin ang 14-day home quarantine kaya’t hindi siya nakadalo sa aktibidad.

Bago ang pamamahagi, ipinaalala ni Mayor Emi sa mga residenteng kuwalipikado sa pagtanggap ng SAP ang mga dokumentong kinakailangan nilang dalhin kabilang ang duplikadong kopya ng kanilang Special Amelioration Card, valid ID tulad ng Senior Citizen ID, PWD ID o Solo Parent ID at barangay certificate.

Ayon kay Pasay City Public Information Office (PIO) head Eduardo “Jhun” Burgos, ang susunod na pamamahagi ng SAP sa mga kuwalipikadong residente sa lungsod ay iaanunsiyo kaagad ng Pasay-DSWD. Aabot sa mahigit 40,000 residente sa lungsod ang nakatakdang mabahaginan ng tulong ng pamahalaan mula sa SAP. (Edison Reyes)