Wala pa ring petsa kung kailan itutuloy ang paghaharap nina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero at Japanese fighter Naoya Inoue.

Naudlot ang paghaharap ng mga noong Abril 25 at Mayo sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada dahil sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.

Pinag-uusapan na sa Hulyo 25 ang target date pero kailangan pa rin itong plantsahin ng mga handler ng magkabilang kampo.

Sa ngayon ay patuloy na nagpapakundisyon pa rin ang 31-taong gulang, may taas na 5-4 at tubong Ormoc na Pinoy upang maging handa sakaling matuloy na ang kanilang labanan.

Atat na si Casimero na agawin ang dalawang titulo ni Inoue na World Boxing Association (WBA) at International Boxing Fe­deration (IBF).

Hindi tumigil sa pag-ensayo si Casimero kaya nananatili ang bilis at lakas sa panahon ng quarantine period.

“He’s (Casimero) a powerful puncher. He’s getting better and better,” ani trainer Memo Heredia. (Elech Dawa)