Casino ban sa taga-gobyerno naipatutupad ba?

Bernard Taguinod For the Record

Malinaw na ang lahat, hindi terorista ang umatake sa Resorts World Manila kundi isang nilalang na lulong na lulong lang sa Casino at desperado dahil bukod sa iniwan na siya ng kanyang pamilya at tanggal pa siya sa trabaho.

Tumigil na sana yung iba na ipinipilit na kagagawan ng terorista partikular na ang Islamic State (IS) ang pag-atake ni Jessie Carlos sa Resorts World Manila kung saan siya regular na player at itinuturing na high roller.

Napahiya din ang ISIS na inaangkin lahat ng trahedya na kesyo sila ang may kagagawan.

Kulang na lang angkinin nila na sila o ang kanilang supporters ang may kagagawan sa kalamidad.

Walang report kung kailan nagsimulang maglaro sa Casino si Carlos. Naglalaro na ba siya noong empleyado pa lang siya ng Department of Finance (DOF) o saka lang siya nagumon o naadik sa sugal pagkatapos sibakin sa gobyerno dahil sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).

Kung noong nasa DOF lang siya ay naglalaro na, lalong may problema dahil nangangahulugan lang ito na maraming government employees ang nagka-casino kahit bawal sa batas.

Malinaw sa Presidential Decree No. 1067-B na ipinagbabawal sa lahat ng mga government officials and employees na pumasok at maglaro sa mga Casino. Panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang batas na ito.

Pero mukhang hindi naiimplementa ng maayos ang batas na ito dahil tuwing mayroong bagong Pangulo ang bansa, naglalabas sila ng memorandum na nagbabawal sa mga government officials and employees na maglaro sa casino.

Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nag-isyu ito ng memorandum laban sa paglalaro ng mga opisyales at empleyado ng burukrasya sa mga casino.

Noong Hulyo 2016, inilibas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Memorandum Circular No. 06 na nagbabawal din sa mga government officials and employees na pumasok at maglaro sa mga casino.

Magtataka ka, bakit tuwing may bagong Pangulo ay nagpapaalala lagi sa mga taga-burukrasya na huwag kayong pumasok sa mga casino at magsugal. Ibig bang sabihin nito talagang hindi kayang pigilan ang mga ito na mag-casino?

Hindi na kailangang paalalahanan ang mga go­vernment officials at empleyado nito dahil alam nilang bawal pero bakit lagi silang pinaalalahanan? Baka alam nila na marami talagang taga-gobyerno ang patuloy na nagka-casino.

Hindi kaya ng Philippine Amusement and Ga­ming Corporation (PAGCOR) na ipatupad ang batas lalo na kung opisyales ang kanilang pagbabawalan dahil kaya natatakot sila lalo na’t ang mga magpapatupad ng batas ay mga appointee lamang?

Sa mga ordinaryong empleyado, eh talagang mahihirapan ang PAGCOR na ipatupad ang batas na ito dahil hindi naman nila alam ang mukha ng mga empleyado ng gobyerno na nagsusugal sa Casino.

Wala naman sigurong luko-luko na ordinar­yong empleyado ng gobyerno na magpakilalang taga-gobyerno siya kaya ito ang dapat resolbahin ng PAGCOR para maiwasan na magkaroon ulit ng tulad ni Carlos. (dpa_btaguinod@yahoo.com)