Inaasahang mawawala sa teleseryeng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ ni Coco Martin ang ilan sa mga kapwa nito artista na kandidato sa iba’t ibang puwesto sa nalalapit na midterm election sa Mayo 13.
Kaugnay ito ng regulasyon ng Commission on Election (Comelec) sa paglabas ng mga kandidato sa mga programa sa telebisyon alinsunod sa Republic Act No. 9006 o Fair Elections Act.
Payo ni Comelec Spokesman James Jimenez, dapat sundin ng mga kandidato ang regulasyon sa pangangampanya sa sandaling magsimula na ito upang maiwasan ang anumang aberya o kasong isasampa laban sa kanila sa sandaling nakitaan ng paglabag.
Kabilang sa mga artista na kandidato sa darating na eleksyon ay nasa cast ng teleserye ni Coco katulad ni Lito Lapid na nais makabalik sa senador, Jhong Hilario na reeleksyonistang konsehal, Roderick Paulate na kumandidatong vice mayor sa Quezon City, Edu Manzano na tatakbong kongresista sa San Juan City; at Rommel Padilla na nais din maging kongresista sa Nueva Ecija.