Wala sa mga finalists na Ginebra at Meralco players ang mag-uuwi ng PBA Governors Cup Best Player of the Conference award, pero isa sa mga import ng Gin Kings at Bolts ang patok sa Best Import.
Inilabas kahapon ni PBA chief statistician Fidel Mangonon III ang top five contenders para sa dalawang karangalan na ang cut-off ay sa tiklop ng semifinals.
Sisimulan mamaya hanggang bukas ang pagboto ng media na may equivalent na 40%, players vote (35%) at PBA Commissioner’s Office (5%). Ang average statistical points ay 40%.
Kandidato sa BPC sina Jayson Castro ng TNT (38.3 statistical points average), June Mar Fajardo ng San Miguel Beer (37.8 ave. SPs),
Terrence Romeo ng GlobalPort (35.7 SPs), Calvin Abueva ng Alaska (31.7 SPs) at Batang Pier Stanley Pringle (31.6 SPs).
Sa Best Import, top candidates sina Eugene Phelps ng Phoenix (60.6 SPs), Allen Durham ng Bolts (54.5 SPs), Justine Brownlee ng Gin Kings (51.7 SPs).
Igagawad ang mga parangal sa Linggo, Oct. 9 bago ang jumpball ng Finals Game 2 ng Gin Kings at Bolts na sisimulan na bukas sa Smart Araneta Coliseum.