Castro, Romeo, Gilas sesermunan ni Marcial

Gustong marinig ng PBA mula sa mga mi­yembro ng Gilas Pilipinas ang panig hinggil sa nangyaring riot sa third quarter ng laro kontra Australia sa window 3 ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena sa Bocaue noong Lunes.

Maliban kina naturalized Andray Blatche at Troy Rike, puro PBA players ang nasa Gilas ni coach Chot Reyes.

Ngayong araw ng Huwebes ang imbitasyon ng pro league, sa pangunguna ni Commissioner Willie Marcial, sa Nationals.

“PBA invites Gilas Pilipinas players to a closed-door meeting on Thursday to discuss the incident that happened in their game against Australia,” tweet ng PBA (@pbaconnect).

Kasama sa National team sina Jayson Castro, Terrence Romeo, Troy Rosario at Roger Pogoy ng TNT KaTropa, Matthew Wright ng Phoenix, Calvin Abueva at Carl Bryan Cruz ng Alaska, Japeth Aguilar ng Ginebra, June Mar Fajardo ng San Miguel, Baser Amer ng Meralco, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Allein Maliksi ng Blackwater, at Jio Jalalon ng Magnolia.

Hindi naman nabanggit ni Marcial kung ano ang magi­ging hakbang ng liga pagkatapos ng closed-door meeting.