Castro sa China?

Kung totoo ang balita sa Inquirer (dapat lang dahil sports editor ako noon sa Inquirer), ipagbunyi natin si Jason Castro.

Si Castro’y maglalaro raw sa China Basketball League. Kung matutuloy, kikita siya ng di kukulangin umano sa P14 milyon mula Nobyembre hanggang Pebrero.

Para mangyari iyan, iiwanan ni Castro ang TNT.

Expayr sa Agosto 31 ang kontrata ni Castro sa TNT at kapag walang bagong kontrata, may 2 buwang ensayo si Castro sa di pa pinangalanang koponan sa China bago mag-umpisa ang liga sa Nobyembre 2016.

Sa sinulat ni Musong Castillo, humihingi pa raw ng permiso si Castro kay MVP, ang may-ari ng TNT.

Normal naman ang paghingi ng opisyal na basbas mula sa iyong boss sa oras ng paalaman. Mga maginoong tulad ni Castro ay kumikilala niyan.

At marahil naman ay buong pusong magpaparaya si MVP.

Bagamat malaki na ang P420,000 kada buwang suweldo ngayon ni Castro sa TNT, di hamak na sangkaterbang malaki ang halos P3.5 milyong buwanang suweldo ni Castro kapag siya’y natuloy sa China.

Kung ako si MVP, maghahandog pa ako ng piging para kay Castro. Karangalan niyang makapagprodyus siya ng katulad ni Castro, na 2 beses naging miyembro ng Mythical 5 sa 2013 Fiba Asia Cup at 2016 Fiba Olympic Qualifying.

Nagtaka ako nang magretayr bigla si Castro sa Gilas kasama si Ranidel de Ocampo nito lamang. Hindi na ngayon.