Masusubukan sa nalalapit na halalan kung mayroong solidong boto ang mga miyembro ang Simbahang Katolika sa pag-endorso ng ilang lay Christian leader mula sa People’s Choice Movement na binubuo ng mga Katoliko, Evangelical at Protestanteng lay leader.
Ikinatuwa ng opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) na si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang listahan ng inendorso sa pagka-senador ng isang inter-faith group.
“Our lay leaders, the People’s Choice Movement, have done their work of discernment,” ani Pabillo sa kanyang Facebook post.
Nangunguna sa listahan ang independent candidate na si Sen. Grace Poe, na laging No. 1 sa mga survey maging ng Pulse Asia at Social Weather Station, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at walo mula sa oposition slate na Otso Diretso: Gary Alejano, Bam Aquino, Chel Diokno, Samira Gutoc, Florin Hilbay, Romy Macalintal, Mar Roxas at Erin Tañada.
Ani Pabillo, trabaho ngayon ng mga layko na tulungan ang kanilang mga kandidatura para kontrahin ang mga tradisyunal na politiko.
Muling nanguna sa isinagawang Veritas Truth Survey (VTS) sa buwan ng Pebrero at Marso na may 1,200 respondent mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas si Sen Poe.
Ang mga respondent ng VTS ay pawang mga mananampalatayang Katolikong botante mula sa mga parokya sa 86 na mga Arkidiyosesis at Diyosesis ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.