tonite-pak-allan-diones

Umalma ang netizens sa lumabas na balitang si Maymay Entrata ang gaganap na Catriona Gray sa “MMK” episode na tampok ang buhay ng Miss Universe 2018.

Tine-train na raw si Maymay ng Team Cat­riona para sa pagganap nito sa talambuhay ni Cat sa long-running drama anthlogy ni Ma’am Charo Santos-Concio.

Si Catriona raw mismo ang pumili sa “PBB7” winner para magbida sa life story nito kaya sana raw ay suportahan, tanggapin at irespeto si Maymay.

Matinding bashing kaagad ang inabot ng 21-anyos na Kapamilya star dahil ang daming kontra na siya ang gumanap bilang Catriona sa “MMK.”

Maliwanag na maliwanag na miscast daw si Maymay to play Catriona, so tinatanong ng netizens kung sino ba ang malakas na backer nito.

Iritang-irita ang ilang pageant fans dahil nakakainsulto raw ito sa mga manonood. Hindi naman daw katawa-tawa ang buhay ni Catriona, so bakit si Maymay ang napili?

Nu’ng i-feature ng “MMK” ang istorya ni Miss U 2015 Pia Wurtzbach ay si Liza Soberano ang nag-portray nito. Wala na raw bang ibang artista ang ABS-CBN at si Maymay ang pagaganapin nilang Cat­riona?

May mga sumi­sigaw ng #JusticeForCatriona dahil talaga naman daw walang hustisya sa casting na ito. Hindi raw sila galit kay Maymay, pero talagang hindi raw ito bagay for the role.

May nagdayalog pa ng “Que horror!” at ito raw ang “biggest joke of the century” dahil katawa-tawa raw ito at hindi kapani-paniwala.

Hindi naman daw sitcom ang “MMK” para gawin ito ng casting director o ng sinumang involved sa production.

Agree ang maraming netizens na magaling rumampa si Maymay, pero hindi raw ito beauty queen material. As in malayong-malayo!

In all fairness ay may point ang umaangal na netizens. Napakahalaga kasi sa casting ang maging realistic.

Not for anything, pero kahit saang anggulo mo tingnan ay hindi makatotohanan na si Maymay ay maging Catriona Gray. Ganu’n kasimple.

Pero kung totoo na ‘yun mismo ang choice ni Catriona at sinang-ayunan naman ito ng mga taga-“MMK,” eh problema na nila ‘yon.
‘Di huwag na lang kayong manood kung hindi n’yo bet! Tapos!
***

Juliana-Marco relasyon ‘di lihim kina Richard, Lucy

Tinanong namin noon si Richard Gomez kung totoong boyfriend ni Juliana Gomez ang Kapamil­ya actor na si Marco Gallo at ang tigas ng pagtanggi sa amin ni Goma.

Nang sabihin namin ‘yon sa Fil-Italian, ex-“PBB” housemate ay hindi raw ito na-hurt sa denial na ‘yon ni Goma.
Katwiran ni Marco, private lang talaga dati ang naging relasyon nila ni Juliana kaya lahat sila ay dine-deny ang tungkol doon.

Ang mahalaga ay alam daw nina Goma at Lucy Torres-Gomez ang tungkol sa kanila ni Juliana dahil ipinagpaalam niya raw ‘yon sa parents nito.

Sabi pa ng 18-anyos na binata, mutual decision nila noon ni Juliana na ilihim ang tungkol sa kanila dahil ayaw niyang maapektuhan sila kung may ka-love team man siya sa showbiz.

Inamin daw ito ni Marco sa interview ni Tito Boy Abunda dahil lalabas at lalabas din ang katotohanan.

“Bakit naman hindi, eh wala namang masama doon? Lahat naman po tayo nagkakadyowa, ‘di ba?” dayalog sa amin ni Marco, na bumalik na ng ‘Pinas for good.

Sinabi rin ni Marco na walang dahilan para gamitin niya si Juliana dahil ni hindi ito taga-showbiz. Naging mabuti raw ito sa kanya, so bakit niya ito gagamitin?

Nag-communicate na ulit sila pagbalik niya rito at friends pa rin daw sila dahil walang makakasira sa pagkakaibigan nila.

Ang nagbago lang ay hindi na sila sweet like before. Hindi rin masabi ng bagets kung posible pa silang magkabalikan ni Juliana, na ilang months niya lang naging nobya at hindi uma­bot ng isang taon.

Dahil back for good na si Marco ay kailangan niya raw magtrabaho, kaya balik-showbiz na ulit siya.

Kasama siya sa comedy movie ni Karla Estrada na “Familia Blondina” at isa si Marco sa tatlong blonde na anak ni Karla sa Amerikano.