Nakipaggitgitan si Larry Nance Jr. sa paint sa final play, naunahan si Victor Oladipo sa harap ng basket habang inaabangan ang talbog ng layup ni Rodney Hood.

Tinapik ni Nance ang bola pabalik sa board at sa basket bago tumunog ang buzzer, at naitakas ng Cleveland Cavaliers ang 92-91 panalo kontra Pacers Martes ng gabi sa Indiana.

Tumapos si Nance ng 15 points, career-high 16 rebounds at 6 assists sa unang game-winning shot ng pro career. Natapos din ang seven-game winning streak ng Indiana.

β€œI told Hood to put the ball up on the rim with a couple seconds left so I can see if I could do something with it,” paliwanag ni Nance. β€œHe made a good move and did exactly that. I was lucky enough to get a hand on it.”
Dinamba ng mga kakampi si Nance habang nire-review ang play. Pati ang ilang injured players ng Cleveland, nakisali sa selebrasyon.

Sa loob ng Pacers locker room, pinanood ng players ang replay at naghimutok dahil walang tawag nang magmukhang tinulak ni Nance si Oladipo.

Anim na Cavs ang umiskor ng double figures kasama si Hood na may 17 points.

Sa natitirang 9.5 seconds, nasa unahan pa ang Pacers 91-90 at titira ng free throws si Oladipo. Nang magmintis sa dalawa, nagkaroon ng tsansa ang Cleveland.