Ni Lito Oredo

‘Di lang tinupad ni electronics sports gamer Caviar Napoleon Marquises Acampado o mas kilalang ‘EnDerr’ ang kanyang pangako na mapabilang sa national team kundi sinimentuhan pa ang katayuan sa lokal at internasyonal bilang Hari ng Starcraft II.

Ito’y matapos iuwi ng 27-anyos Pinoy ang pinakamatamis para sa kanya na unang medalyang ginto para idagdag sa pambansang koponan o Team Sibol-Pilipinas sa debut ng electronics sports o eSports sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 nito lang Nobyembre 30-Disyembre 11 sa The Arena-San Juan City.

Ang gold medal, nang nagsimulang mag-eSports sa edad na 12 na si Acampado ang ikatlong napagwagian ng mga Pilipino sa anim na game title ng 11-nation, 12-day biennial sportsfest.

Wagi rin ang mga Noypi sa Dota 2 at Mobile Legends: Bang Bang (MLBB).

Kaiba sa mga nahihilig sa eSports, tanging sa StarCraft II na laro lang talaga nakapokus si Acampado kung kaya naman madali nitong tinalo sa finals si Singaporean Thomas Maria Kpankiewicz, 4-1.

Nag-aaral pa sa CIIT College of Arts and Technology sa Kamuning, Quezon City ng Game Development, napapanatili ni Acampado ang husay at maging inspirasyon sa mga nahihilig sa pinangingilagang digital games, pero isang malaking industriya na umaasam na mas makatulong pa sa pag-unlad ng teknolohiya sa bansa.

***

Q&A

ABANTE: Ano ang pakiramdam mo ngayon na nakatulong ka sa pagbigay ng medalyang ginto sa bansa para mag-overall champion tayo (‘Pinas) sa SEA Games?

ACAMPADO: Napaka-fulfilling po dahil ‘di lang ako nakapagbigay prestihiyo at dangal sa bansa natin kundi napatunayan ko rin sa sarili nating manalo sa ganitong kompetis­yon sa pamamagitan ng gold medal.

ABANTE: Anong plano mo sa sarili at sa national team sa hinaharap?
ACAMPADO: Nag-aaral pa rin pa naman kasi ako ngayon. Magagamit ko sa lahat ng pangangailangan ko para matupad ang mga pangarap ko, saka from time to time, gusto ko ring tulungan ang family ko at siyempre magplano with my girlfriend.

ABANTE: Maliban sa eSports, may mga plano ka ba other than sa paglaro ng StarCraft?

ACAMPADO: Sa ngayon po kasi, malapit na akong magtapos ng course ko na Game Development, iyun pong gumagawa ng iba’t ibang digital o web games.

ABANTE: ‘Di ka ba nahihirapan na nag-aaral and then naglalaro ng StarCraft II?

ACAMPADO: Mahirap din naman. Pero nasa tao lang naman din kung paano ididisiplina ang sarili. Pero ako sanay na rin sa multitask saka kaila­ngan may dedication at invest ang time na maayos.

ABANTE: Anong pakiramdam bilang national player?
ACAMPADO: Ever since na nagkoko-compete ako local and abroad, same feeling din naman na that I get para sa pagre-represent sa bansa natin pati na kapag luma­laban ako internationally. Masaya at sobrang proud dahil ‘di lahat nakakapag-represent ng country nila, parang dream come true ang nangyari dahil dito pa sa Pilipinas ginawa ang SEAG.