Sumabak ang mga Caviteño sa inorganisang boodle fight ng lokal na pamahalaan ng Silang, Cavite at Sustamina Agri-Industrial Corporation sa Patio Medina kahapon ng tanghali.
Layon ng okasyon na ipakitang ligtas kainin ang manok at itlog sa Cavite at sa buong bansa at ‘di kontaminado ng bird flu virus.
Adobong manok, lechon manok, nilagang itlog, at ilang uri ng gulay ang inilatag sa anim na lamesang may 25 talampakan ang haba sa pagkain ng pananghalian sa pangunguna nina Silang Mayor Omil Poblete at former Trece Martires City Mayor Jun De Sagun.
Nagmistulang chicken festival ang boodle fight na umano’y kauna-unahang isinagawa sa nasabing bayan.