Wala sa plano ang pagsalakay ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang drug den sa Barangay Talaba 7, Bacoor City, Cavite na ang pakay ng grupo ay ihain ang warrant of arrest laban sa isang suspek na sangkot sa kasong carnapping kamakalawa ng gabi.

Hindi namataan sa lugar ang suspek na pakay ng mga operatiba, ngunit naaktuhan sa pot session ang isang grupo ng mga kalalakihan sa maliit na barung-barong.

Hindi nag-aksaya ng oras at agad dinampot ng Cavite CIDG ang mga suspek na sina Michael Trambulo, 36-anyos, manager sa isang kilalang fastfood chain sa nasabing lungsod, Jojit So, Ernesto Sanchez, Joseph Jugo Jr. at Roger Mendoza.

Narekober sa mga suspek ang ilang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia na gamit sa kanilang pot session.

Swak sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga nasakoteng suspek na walang karampatang piyansa.