Kung dati’y taga-gawa ng bahay, ngayon siya na ang magpapagawa o bibili ng magarbong bahay.

Isang 60-anyos na construction worker mula sa Cavite City ang pinakabagong milyonaryo matapos mahagip ang P55.4 milyong jackpot sa 6/45 lotto draw kamakailan.

Kinubra ng padre de pamilya na may tatlong anak ang tsekeng nagkakahalaga ng P 55,449,604.00 sa tanggapan ni PCSO General Manager Alex Balutan kahapon sa Mandaluyong City.

Nabatid na noong 1996 pa tumataya sa lotto ang Caviteño pero sa tayang P40 hango sa birthdate ng kanyang pamilya, nahagip din nito ang jackpot nang matumbok ang kumbinasyong 05-11-12-17-25-31 sa 6/45 lotto draw noong Setyembre 5.