Isa ang patay habang isa ang sugatan sa nangyaring road rage sa Naic, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang biktimang nakilala lamang sa alyas Paolo, ng Brgy. Inocencio, Trece Martirez City sanhi ng tama ng bala sa katawan habang ginagamot din sa nasabing ospital si Jayson Alejo, 18-anyos, ng Trece Martires City, Cavite.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek na armado ng di-nabatid na kalibre ng baril at magkakaangkas sa isang motorsiklo na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ni PO3 Richard Atienza, ng Naic Municipal Police Station, alas-8:15 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa Brgy. Sabang, Naic, Cavite.

Minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle (Honda TMX) at sakay nito si Alejo, nang pagsapit sa nasabing lugar ay pagbabarilin sila ng isa sa sakay ng motorsiklo.

Tinamaan sa ­kaliwang bahagi ng katawan si Alejo habang napuruhan si Paolo.

Ayon kay Atienza, posible umanong binubusinahan ng mga suspek ang biktima subalit hindi nito pinapansin kaya sa asar ng mga suspek ay pinagbabaril ang mga ito.