Cavs coach pinaliguan ni Thompson, kakampi

Inambus ng Cleveland Cavaliers si John Beilein.

Basang-basa ang rookie coach, mula bumbunan hanggang talampakan – pati medyas – nang buhusan ng tubig sa locker room matapos kolektahin ang kanyang unang NBA win – 110-99 ng Cavs kontra Indiana Pacers Sabado ng gabi.

Pasimuno sina Kevin Love at Tristan Thompson sa pagbibinyag sa kanilang coach.

Umiskor si Thompson ng 25 at ibinaon ang una niyang career 3-pointer, nagdagdag ng 21 points, 13 rebounds at 9 assists si Love.

Pagkatapos ng laro, binigay ni general manager Koby Altman ang bola kay Beilein. Kasunod nito ang ambush – sabay-sabay nagtalunan mula sa kanilang upuan ang Cavs at ibinuhos ang laman ng kani-kanilang water bottles sa tactician.

“Excuse my appearance,” pakli ng dating Michigan coach pagpasok sa news conference. “I just took a little bath.”

Inumpisahan ng Cavs ang golden anniversary sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga nagdaang panahon ng team. Binalik nila ang ilan sa kanilang legendary players at ginamit ang throwback uniforms mula 1990s.

Nagbaba rin si Thompson ng 13 rebounds, may 18 points si Collin Sexton at 12 si rookie Darius Garland kabilang ang step-back 3 sa stretch na pumigil sa comeback ng Indiana.

May 30 points at 10 rebounds si Malcolm Brogdon sa Pacers. (VE)