Cayetano bigo sa Senate Presidency

Inisnab ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pagbubukas ng sesyon ng Senado kahapon kung saan pormal na naluklok ang kari­bal nitong si Sen. A­quilino ‘Koko’ Pimentel III bilang Senate President.

Nauna rito, tinangka ni Cayetano na makuha ang liderato ng Senado matapos matalo sa vice-presidential elections, habang nanalo naman ang ka-tandem nitong si Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Hindi mahagilap sa pagbubukas ng sesyon ng Senado si Cayetano, pero sa Facebook account nito ay naglabas ito ng kanyang saloobin hinggil sa “panga­rap” niyang naglaho.

“Today Mr. President, one of my dreams passed me by, I’m not Senate President, Yet I’m excited to hear your SONA and be a part of the amazing change! This is our dream! Dream of all Filipinos! And this is more important!” diin pa ng senador.

Nilinaw din nito na siya ang kusang bumitaw sa pangarap na maging Senate President dahil hindi niya matutulungan ang agenda ni Pangulong Duterte kung makikipagsundo siya sa alinmang grupo sa Senado.

Hindi naman nagustuhan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang hindi pagsipot ni Cayetano sa sesyon kahapon sa pagsasabing naging “childish” ito.