Cayetano boys kinalikot P2B national ID budget

Mga katropa ni House Speaker Alan Peter Cayetano na pawang miyembro ng bicameral conference committee para sa 2020 national budget ang siyang may kagagawan diumano kung bakit hindi pa naipatutupad ang national ID system.

Napag-alaman ng Abante na hindi nasimulan ang pilot rollout ng national ID system dahil tinapyasan ng halos 59% ang pondong inilaan para sa nasabing programa.

Ang mga bata ni Cayetano sa bicam delegation ng Kamara, partikular sina Deputy Speaker for Finance Luis Raymund `LRay’ Villafuerte (Camarines Sur) at House committee on good government and public accountability chairperson Jose Antonio Sy-Alvarado (Bulacan) ang nagsulong ng pagbabago o amyenda sa national budget kung saan binawasan ang pondo para sa national ID.

Isang mapagkakatiwalaang congressional insider na hiniling na huwag siyang pangalanan, ang nagsabi na sina Villafuerte at Alvarado ang nagmungkahi na ilipat ang P1.435 bilyon mula sa P2.435 billion program para sa iba pang infrastructure project sa distrito ng mga piling kongresista.

Dahil dito, P1 bilyon na lamang ang natira mula sa alokasyon ng Kongreso para masimulan ang national ID system, na isa sa mga pangunahing programa ng administrasyong Duterte.

Sa kanyang mensahe sa bayan noong Lunes, sinisi ni Pangulong Rodrigo Dutete ang mga “left” kung bakit hindi pa naipatutupad ang national ID system na maaari sana aniyang makatulong para malutas ang iba’t ibang problema sa pamamahagi ng financial at relief aid sa mga apektado ng enhanced community quarantine sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Nakakuha ng kopya ang Abante ng niratipikang bicameral conference committee report hinggil sa P4.1 trillion General Appropriations Act (GAA) for 2020 at nakasaad dito ang bahagi ng nasabing realignment ng mga katropa ni Cayetano.

“Delete the amount in words and figures ‘Two Billion Four Hundred Fifty-Three Million Eight Hundred Fifty-Three Thousand Pesos (P2,435,853,000)’ in lieu thereof insert the amount in words and in figures One Billion Pesos (P1,000,000,000),” ayon sa inamyendahang probisyon.

Ang ni-realign na pondo ay naging parte umano ng mahigit P80 bilyong halaga ng mga infrastructure project na inilagay ni Budget Secretary Wendel Avisado sa klasipikasyon bilang “For Late Release” noong Pebrero.

Ito ang sinasabi diumano ni Davao City Rep. Isidro Ungab, dating chairperson ng House committee on appropriations, na `midnight insertions’ sa 2020 national budget.

Sinabi pa ng source na hindi ito ipinaalam kay Ungab ng mga katropa ni Cayetano, partikular ni Villafuerte. Nakumpirma naman ito sa isang interview kay Mindoro Oriental Rep. Salvador `Doy’ Leachon’ sa telebisyon noong Pebrero.