Cayetano buo ang tiwala kay Duterte sa speakership

Dismayado si Taguig­-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano sa inasta ni Marinduque Cong Lord Allan Velasco na pagtanggi sa na­ging posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa karera sa pagka-Spea­ker.

“Nakakalungkot ang mga pahayag ni Congressman Velasco. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magsinungaling ng harap-harapan at pinapalabas pang hindi totoo ang mga sinabi ng ating Pangulo na mayroon ngang term-sharing agreement na napagkasunduan na,” ayon kay Cayetano.

“Pinagmumukhang niyang sinungaling ang ating Pangulo. Iniiba niya at pinapabulaa­nan pa ang mga sinabi ni Pangulong Duterte para umayon sa kung ano ang pabor sa kanya,” dagdag pa ni Cayetano.

Nagtataka si Caye­tano kung paano nasabi ni Velasco na hindi naman daw nabanggit ng Pangulo ang term-sha­ring agreement sa pagka-Speaker sa pagitan nilang dalawa gayong ang Pangulo mismo ang nagsabi sa mga repor­ter noong nakaraang Miyerkoles na mayroon ngang ganoong “formula” bilang solusyon sa isyu. “Just to break the impasse, let us have this formula (para matapos ang hindi nila pagkakasundo, magkaroon tayo ng ganitong formula),” sabi ng Pa­ngulo sa mga reporter, na tumutukoy sa term-sharing agreement.

Sinabi rin ng Pangulo sa ambush interview ng mga reporter na: “Ang sabi, may term-sharing, Correct ‘yan.”

Kinumpirma rin ni Pangulong Duterte na pumayag si Cayetano na umupo sa mas maikling termino na unang 15 buwan bilang Speaker at si Velasco sa susunod na 21 buwan. Pero ayon sa Pangulo “si Velasco mukhang last minute nag-back out.”

Binigyang-diin ni Cayetano na buo ang tiwala at respeto niya sa Pangulo lalo na isyu ng speakership, kaya’t pumayag siya sa term-sharing agreement.