Cayetano-Dizon walang lusot sa Kamara, Senado

Malaki man o hindi iimbestigahan ng Senado at Kamara de Representante ang sablay ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at posibleng katiwalian sa pag-organisa sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.

“Kung ano ang kapalpakan ng Phisgoc kung totoo o hindi, dapat tingnan sa pamamagitan na oversight na mandate ng Senate at HOR (House of Representatives),” pahayag ni Lacson sa phonepatch interview kahapon.

“Huwag natin paghaluin kung may corruption halimbawa man sa Phisgoc walang kinalaman ang atleta roon at walang kinalaman ‘yan kung bakit tayo napakarami gold medal,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin pa ni Lacson na hindi rin dapat magkaroon ng utang na loob ang publiko sa Phisgoc na pinamumunuan ni House Speaker Alan Cayetano at BCDA president Vince Dizon matapos nakuha ng Pilipinas ang overall championship sa katatapos ng SEA Games.

“Magkaiba ang mga atleta at ang organizing committee, ang Phisgoc. Kung ano man ang honors na ibinigay ng mga atleta, 149 golds, 287 lahat-lahat, walang kinalaman ang organizing committee doon. Ang may kinalaman doon, ang mga sponsor at mga atleta mismo,” sabi ni Lacson.

“So huwag natin ipaghalo na ang success ng mga atleta natin, utang na loob sa Phisgoc. Organizing council ang Phisgoc, sila ang nangasiwa sa pag-coordinate,” dagdag pa nito.

Itutuloy pa rin aniya nila ang imbestigasyon sa Senado at Kamara de Representante kahit nagbuo na ang Office of the Ombudsman ng fact-finding panel na magsisiyasat sa posibleng katiwalian sa pag-organisa ng 30th SEA Games kasama ang kontrobersya sa P55M kalderong ginto, kikiam at ang naging aberyang inabot ng mga delagado at atleta. (Dindo Matining/Nancy Carvajal/JC Cahinhinan)