Cayetano kay Ping: ‘Pork’ sa 2020 budget kalkalin mo

Hinamon ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano ang mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso partikular si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na kalkalin ang sinasabing pork barrel na isiningit sa P4.1 trillion national budget sa 2020.

Nauna rito ay ibinunyag ni Lacson na makakatanggap ng P700 milyon kada congressman para sa kanilang mga distrito sa ilalim ng inaprubahang 2020 national budget ng Kamara.

Iginiit naman ni Ca­yetano na tukuyin ng mga senador partikular ni Lacson ang bawat line item project sa ilalim ng 2020 national budget na mayroong pork barrel sa halip na magpakalat a­niya ng mga alegasyon na sinasabing galing mismo sa mga ayaw magpakilalang source mula sa congressional insider.

Hamon pa ni Ca­yetano kay Lacson na sa halip pagbintangan na pork barrel ang pondong inilaan para sa line item project sa bawat distrito ng mga kongresista ay tingnan na lamang ang national development program na kinakaila­ngan mabigyan ng pondo.

“Ano bang mga prog­rama ang kailangan ng pondo, ‘di ba? Kasi dati ang issue parati is corruption at pork barrel,” ani Cayetano.

Sinabi pa ni Cayetano na bagama’t kanyang nirerespeto si Lacson at kaisa siya sa adbokasiya nito na dapat walang pork barrel sa natio­nal budget, hindi naman niya sasagutin ang mga alegasyon na batay lamang sa tsismis. (JC Cahinhinan)