Cayetano nairita sa dynasty joke ni Digong

Bagama’t biro lang ang ginawang paha­yag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa political dynasty, nairita pa rin si Senador Pia Cayetano.

“First of all, biro nga ‘yun, ‘diba? So biro ‘yun, so if you ask me, biro. So I’ll leave it at that, kasi there are more important issues there,” pahayag ni Cayetano sa mga repor­ter kahapon.

Sa kabila ng ginawan­g pagbibiro ng Pangulong Duterte, naniniwala umano ang senadora na mataas pa rin ang pagtingin nito sa kanilang pamilya at ebidensiya aniya ay ang pag-endorso nito sa kanyang kapatid na si Taguig­-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang House Speaker.

“I think with all due humility, the President’s high regard for our fa­mily, for my brother, is evident in no less than his being his endorsed Speaker,” sabi ni Cayetano.

“So, we’re so proud… I call on everyone to judge the new Speaker on the work that he will do. I’m so excited to be back in the Senate,” dagdag pa ng senadora na nahalal bilang chairperson ng Se­nate committee of ways and means at committee on sustainable deve­lopment.

Giit pa nito, halal umano sila ng taumbayan at umaasa siyang huhusgahan sila dahil sa kanilang mga ginawa at hindi sa kung ano pa man.

Dagdag pa ni Cayetano na bukas naman siya makipagtalakayan sa political dynasty bill sa oras na umakyat na ito sa plenary ng Senado. (Dindo Matining)