Cayetano-Poe tandem sa 2022 inilutang ng DDS

Ngayon pa lang, kumikilos na ang ilang kilalang personahe ng Duterte Diehard Supporters (DDS) na mabuo ang tambalan nina Fo­reign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Sen. Grace Poe sa 2022 presidential elections.

Isiniwalat ito ng isang miyembro ng DDS na si Atty. Bruce Rivera nang banatan niya ang blogger at supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sass Rogando Sasot sa kanyang blog.

Nagsimula ang away ng dalawa nang maitsapuwera si Rivera sa pagpapaputok ng DDS bloggers sa ‘Cocoygate’ kung saan tinumbok nila ang dilawan na si Cocoy Dayao na siyang nasa likod ng ‘Silent No More PH’ na umupak sa pitong senador na hindi lumagda sa resolusyon laban sa extrajudicial killings.

Sa gitna ng pag-aalburoto ni Rivera, isiniwalat nito ang namumuong tambalan umano nina Cayetano at Poe sa 2022 presidential elections.

Una daw niyang sinabi ito sa isang site ng overseas Filipino wor­kers (OFWs) na sumusuporta sa administrasyon.

“Oo sinabi ko sa OFW na ‘I feel like it was a Caye­tano-Grace Poe outing na parang pumuposisyon sila for president and that’s my opinion, that’s how I feel. Kung kuro-kuro iyan eh ano ngayon that’s my opinion. Sinabi ko iyon sa OFW na site, global DDS ‘yun, grupo ‘yun, I left the group already,” pagsisiwalat ng abogado.

Hindi naipaliwanag ni Rivera kung ano, saan at kailan ginawa ang pagtitipon na parang napulitika dahil sa napipintong tambalan ng dalawa.

“Totoo namang parang Cayetano-Grace Poe ang team up eh, bakit? Sino ang inimbitahan ni Cayetano, sino? ‘Di ba wala si Professor Contreras kasi galit si Grace Poe kay Professor Contreras dahil sa citizenship issue.

Siyempre wala ako hindi ako naiimbita­han doon kahit nandoon ako sa Pilipinas kasi galit din si Grace Poe sa akin dahil sa citizenship issue, ganun po kasimple ‘yun. Pulitikahan ang nangyari,” pagsisiwalat pa niya.

Itinanggi din ni Rivera na kaya siya nag-iingay sa tambalang Caye­tano at Poe ay dahil sa ina­alagaan niya para maging standard bearer sa 2022 ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.

“Akala nyo si Sarah binabakuran ko, ayaw tumakbo ni Sarah Duterte. Kahit senador ayaw niya kaya utang na loob wag n’yo akong simulan,” himutok ni Rivera.