Cayetano sinangkalan si Digong sa term extension

Ipinahayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang makakapagpasya kung matutuloy ang term-sharing deal nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Kaugnay ito sa pahayag ni National Unity Party (NUP) president at Cavite Rep. Elpidio Barzaga na posibleng hindi na matuloy ang 15-21 term sharing deal nina Cayetano at Velasco lalo pa at mataas ang nakuhang trust at approval rating ng Taguig congressman batay sa pinakahu­ling survey ng Social Weather Stations.

Ayon kay Cayetano, bilang chairman ng PDP-led super majority coalition sa Kamara, si Pangulong Duterte ang may pinal na desisyon sa Speakership.
“Now it is a coalition—Diehard Duterte Super Coalition, or super majority.
Ang head ng coalition na iyan ay ang Pangulo, so while independent ang Kongreso at hindi nakikialam ang Executive, ang nagde-decide for the coalition ay iyong Pangulo,” ani Cayetano.

Matatandaang si Pangulong Duterte ang nagpasya na magkaroon ng term-sharing agreement sina Cayetano at Velasco. Sa kasunduan, 15 buwan uupo bilang Speaker si Cayetano at pagkatapos ay papalitan na siya ni Velasco.

Sabi ni Cayetano, susundin niya kung ano sa tingin ng Pangulo ang pinaka­mabuti para sa koalisyon.

“I promised the President, I’ll do a good job and one month or two months before iyung middle or pinag-usapan, I’ll go for him for instructions, so kung ano ang instruction ng Pangulo, iyun ang masusunod,” ani Cayetano.

“Wala namang dapat ikaba iyong kahit sino kasi nga lahat naman tayo ay sumasang-ayon na ang Pangulo ang magde-decide, and so far mayroon siyang standing the decision, so far that stands,” dagdag nito. (JC Cahinhinan)