Nananatiling tahimik si House Speaker Alan Peter Cayetano matapos na maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa operasyon ng ABS-CBN.
Ito’y makaraang magpaso na ang prangkisa ng naturang TV network noong Lunes (Mayo 4).
Hanggang kahapon ay walang inilabas na anumang pahayag ang House leader kaugnay sa naging kautusan ng NTC.
Sa halip, ang tanging sinabi ng tanggapan nito na agad umanong isasapubliko sa oras na magbibigay ito ng pahayag.
Kung matatandaan ay tiniyak ni Cayetan noon na tuloy- tuloy ang operasyon ng TV network kahit na mapaso ang prangkisa nito dahil na rin sa kanyang kautusan sa NTC na maglabas ito ng provisional authority para sa tuloy na operasyon ng network giant.
Ginamit na dahilan ni Cayetano sa kanyang kautusan ay ang eklusibong kapangyarihan at huridiksiyon ng mababang kapulungan para sa usapin ng prangkisa partikular ang pagkakaloob o pagbasura .
Ngunit tila hindi ito binigyan pagkilala ng NTC makaraang iutos ang pagsasara ng Kapamilya network.
Si Cayetano ang sinisi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa nangyaring shutdown sa media giant na ABS-CBN.
Ayon kay Atienza, kung tutuusin ay kayang tapusin ng Kongreso ang pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN sa loob ng isang linggo.
Nakatitiyak din umano si Atienza na kapag may go signal mula kay Cayetano ay agad na maaaprubahan ang franchise ng ABS-CBN.
Aniya, hindi na mahalaga kung aprubado o hindi ang prangkisa, ang dapat aniya ay natalakay sa Kamara ang isyu at hindi inupuan lamang ni Cayetano. (Eralyn Prado)