Matapos makakuha ng kaukulang impormasyon, itinuloy ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang paghahain ng resolusyon upang makalkal ang mga diumano’y anomalyang bumabalot sa pag-iisyu ng pasaporte.

Sa pamamagitan ng House Resolution 1608, hinimok ng Bayan Muna solon ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang diumano’y mga iregularidad sa makupad na pagpoproseso ng pasaporte ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kabila ng pagtiyak ni Secretary Alan Peter Cayetano na nilalapatan na ng lunas ang nasabing problema.

Dahil sa pahirapang pagkuha ng pasaporte, binanggit ni Zarate na noong Enero 18, 2018 ay nagkaroon ng komosyon sa Passport on Wheels ng DFA nang libu-libong passport applicants ang lumusob sa Manila City Hall.

Ikinatuwiran ng mga opisyal ng DFA na ang mga pre-registered na qualified sa Passport on Wheels ang pagbibigyan kaya’t maraming aplikante ang nagwala sa pagkadismaya.

Ilang aplikante rin ang nagbunyag hinggil sa diumano’y sindikato na nagbebenta ng passport appointment schedules sa mataas na presyo.

Gayunpaman, minaliit lamang diumano ni Cayetano ang pagkakaroon ng nasabing sindikato pero hindi naman binabalewala ang posibilidad na ilang “fixers” ang kakutsaba ng ilang kawani ng DFA.

Naniniwala din si Zarate na ang mabagal na proseso ng passport ay ‘tip of the iceberg’ pa lang dahil mas malaking anomalya ang posibleng nasa likod sa pagimprenta ng pasaporte matapos ipasa ang trabahong ito sa APO Production Unit Inc. (APO).

“APO is a government a government-owned and controlled corporation (GOCC) under the control and supervision of the now Presidential Communications Operations Office (PCOO) and tasked with the printing of accountable forms and sensitive high quality/volume printing jobs of the Philippine Government,” ayon sa mambabatas.