Inaanyayahan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Davao Archbishop Romulo Valles ang mga mananampalataya na dumalo sa mga Banal na Eukaristiya sa Marso 6 o ang Miyerkoles ng Abo na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Ang Kuwaresma ay ang 40 araw na paghahanda sa paggunita ng Mahal na Araw.
Ayon kay Valles, pinaaalalahanan ng Simbahan ang mananampalataya sa pagtitika at pag-aayuno lalo na tuwing Kuwaresma kung saan ginugunita rin ng 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo ang mga sakripisyo ni Hesus sa disyerto.
Sinabi pa ni Archbishop Valles na ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga tao ay paalala sa pagpapanibago ng tao mula sa pagiging makasalanan.
Bukod dito, pinaalalahanan din ang bawat isa na isagawa ang corporal works of mercy tulad ng pagpapakain sa mga nagugutom, pagdalaw sa mga may sakit, bilanggo, paglibing sa mga namatay, pagpainom sa mga nauuhaw, at pagtanggap sa walang tahanan.
Ayon kay Valles, mahalagang makibahagi ang mananampalataya sa paggunita ng panahon ng Kuwaresma upang ganap na maging handa sa pagdiriwang ng pagtatagumpay ni Hesus sa pagtubos ng sanlibutan.
Iginiit ni Archbishop Valles na mahalagang kilalanin ng tao ang mga pagkakasalang nagawa upang mapagkalooban ng Diyos ng pagpapatawad na hihilom sa pusong pinanahanan ng Panginoong Hesus.