CBCP magbabantay sa SONA

Mababalewala lamang ang mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte kung puro salita at walang magagawa sa mga ipinangako nito sa kanyang kampanya.

Ito ang ipinahayag ni Manila Auxiliary Bishop Bro­derick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Confe­rence of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on the Laity, sa nakatakdang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hul­yo 25.

Partikular na tutukan umano ng CBCP sa pagbubukas ng 17th Congress ang nauna nang naipangako noong nakaraang administrasyon na pagtatanggal sa “labor contract system”, sa bansa at ang pagbibigay ng lupain sa mga magsasaka.

Sinabi ni Pabillo na maganda ang mga pangako ngunit mababalewala lamang ito kung ito ay sa­lita lamang at walang kongkretong paraan kung paano gagawin.

“Maganda ‘yung mga pangako niya noong eleksyon. Inaasahan sana natin na pagdating ng SONA magbibi­gay siya ng kongkretong paraan paano niya ba tutuparin ‘yung kanyang mga pangako. Kaya kongkretong paraan paano tatanggalin ‘yung endo, kongkretong paraan paano maibibigay ‘yung lupa para sa mga magsasaka,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.

Aniya, una nang nanawagan ang Santo Papa sa United Nations (UN) na wakasan na ang umiiral na pang-aalipin sa mga maliliit na manggagawang kumikilos sa ikauunlad ng isang bansa.