Nagpaabot ng pakikidalamhati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga nasawi at nasugatan sa malakas na pagyanig sa Amatrice, Italy.

Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Pastoral Care for Migrant and Itinerant People, nalu­lungkot ito sa nangyari sa bansang Italy na kumitil ng maraming inosenteng tao.

Kasabay nito ay nagpasalamat ang CBCP na walang Filipino na nadamay sa nasabing malakas na paglindol.

“While we are relieved that no Filipino perished in the deadly earthquake that hit Italy, we are deeply saddened by the deaths it caused among the residents of the affected areas. Italy is a hospitable country for our OFWs. We share in the pain of those who have been injured, hurt and left orphans and homeless. We grieve with Italy,” pahayag ni Santos.

Nagpapasalamat naman si Bishop Santos sa Italy na isa sa naging tahanan sa mahigit 200,000 overseas Filipino workers (OFWs) kung saan 12.8 porsiyento ng kabuuang cash remittances ang naipapadala ng mga ito sa bansa.

Nagpaabot din ng panalangin ang obispo para sa pisikal at espiritwal na kalakasan ng mga nakaligtas sa trahedya na sa tulong ng awa ng Diyos ay makabangon muli mula sa 6.2 magnitude na lindol.