CBCP umapela sa anti-drug killings

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan na unahing lutasin ang kahirapan sa bansa sa halip na patayin ang mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Ito ang apela ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mission kaugnay ng patuloy na paglaki ng bilang ng mga napapatay sa kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga sa bansa.

Aniya, dahil sa nararanasang kahirapan sa buhay ang nagtutulak at napipilitang magtulak o gumamit ng bawal na gamot ang tao lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Pahayag pa ng obispo, hindi rin aniya kailangang patayin ang mga suspek sa halip ay isailalim sila sa due process upang sa kalaunan makapagbagong buhay.

Idinagdag pa ni Bastes na marapat bigyan ng pamahalaan ng mapagkakakitaan ang mga sumukong drug users upang kahit paano ay malimutan ang kanilang kahirapan at may maipantustos sa pang-araw-araw.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, mula Hulyo 1 hanggang Agosto 4, 2016 nasa 460 na ang napatay sa kampany­a laban sa iligal na droga sa buong bansa.

Habang umaabot naman sa mahigit kalaha­ting milyon ang mga suspek sa droga na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa buong bansa.