Ilalabas ngayon ng Quezon City Police (QCPD) ang CCTV footage na nakalap sa lugar kung saan napatay ang kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez sa Quezon City na maaring makatulong sa paglutas sa krimen.
Ito ang kinumpirma kagabi sa Abante TONITE ni QCPD Acting Director Sr/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar nang hingan ng development patungkol sa kaso ng kapatid ng aktres na si Ma. Aurora Moynihan, 45-anyos naninirahan sa No. 83 Ecology Village, Makati City na binaril hanggang sa mapatay sa may 8-Temple Drive kanto ng Giraffe St., Brgy. Ugong Norte, Quezon City kamakailan.
Idinagdag ng opisyal na ang cellphone na pag-aari ng napaslang na itinurn-over sa forensic ng Philippine National Police (PNP) ay makakatulong sa isasagawang imbestigasyon dahil naglalaman ito ng mga impormasyong may kaugnayan sa pagkakasangkot sa operasyon ng iligal na droga ni Moynihan.
Binigyang-diin pa ni Eleazar na iniimbestigahan na ng PNP ang phonebook sa cellphone ng nasawi upang magkaroon ng dagdag na impormasyon sa alegasyong ito ang supplier ng iligal na droga sa showbiz.
Ayon pa kay Eleazar, hindi pa man inilalabas ang kuha ng CCTV na nakuha sa isa sa mga bahay kung saan pinatay si Moynihan ay may anggulong nanggaling sa sports utility vehicle (SUV) na naispatan bago nangyari ang pamamaril sa biktima.