Hindi sangkot sa iligal na droga ang kasalukuyang nobyo ng dating asawa ng itinuturing na drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Ito ang paglilinaw kahapon ni Cebu City Police Office-City Intelligence Branch head, Chief Insp. Jude Naveda, na nagtiyak na kahit kailan ay hindi na-link sa operasyon ng illegal drugs si Joseph Romarate, ang bagong nobyo ni Analou Llaguno, na tinambangan noong Biyernes sa Carlock St., Barangay Duljo, Fatima, Cebu City.

Matatandaan na tinambangan ng tatlong lala­king naka-bonnet na naka-motor si Llaguno habang angkas naman ito sa motorsiklo ng kasintahan na si Romarate na ikinamatay nito.

Ayon sa report, malaki ang posibilidad na drug war ang motibo sa pagkapatay sa dating asawa ni Kerwin Espinosa dahil umano sa mga sunud-sunod na patayan sa Cebu na naiuugnay sa mga sindikato na sila-sila ang nagpapatayan.