CEBU INMATES HUBO’T HUBAD SA DRUG RAID

jail-prison

Pinapila at pinaupo nang hubo’t hubad sa sementadong sahig ng open court ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) ang mga bilanggo na isinailalim sa greyhound operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ng military at iba pang enforcement agencies.

Ito ang eksenang nasapul ng camera noong madaling-araw ng Peb­rero 28 na naging viral at ­kinondena ng mga netizens dahil sa hindi umano pagiging makatao.

Nanindigan naman si PDEA Regional Director Yogi Felimon Ruiz na aakuin ang buong responsibilidad sa nangya­ring operasyon at kung paano ito isinagawa.

Isinagawa ang big­laang raid, ayon pa sa PDEA Regional Director, makaraang sabihan umano sila ni Cebu Governor Hilario Davide III na nakatanggap ito ng text message na may iligal na droga at iba pang kontrabando sa loob ng CPDRC. Bagay na nag-­positibo dahil nakakumpiska ang raiding team ng 80 cell phone units, laptops, bla­ded weapons, P90,000 cash at 19 sachets ng hinihinalang shabu mula sa mga selda ng mahigit sa 3,000 bilanggo sa na­sabing pasilidad.

Ang paghuhubo’t hubad umano sa mga preso, ayon kay Ruiz, ay bahagi lamang ng kanilang hakbangin upang matiyak na magiging mapayapa ang operasyon. Bukod pa rito, kailangan umanong masigurong hindi armado ang mga bilanggo upang maiwasan ang riot at walang mapagtataguan ang mga ito ng anumang kontrabando.

Tanging 129 personnel sa PDEA at ibang enforcement agencies lamang ang nagsagawa ng operasyon.

Inalisan man ng saplot ang mga bilanggo sa raid, maayos naman umano itong inilipat sa open court habang isinasagawa ang paghalughog sa selda ng mga ito maging ang inventory.

Tiniyak pa ni Ruiz na hindi ililihim kundi isasama niya ang pagpapahubo’t hubad sa mga preso sa kanyang report na isusumite kay Davide at sa PDEA head office.