Cebuana actress inaresto sa COVID ‘fake news’

Dinakip ng pulisya ang isang Cebuana film writer nitong Linggo ng hatinggabi dahil umano sa post na binansagang ‘fake news’.

Bandang alas-12:30 ng hatinggabi inaresto si Maria Victoria ‘Bambi’ Beltran, na may-ari din ng ‘Kukuk’s Nest’ na kilalang puntahan ng mga artist at aktibista.

Hawak ng Police Regional Office 7 si Beltran, na matatandaang nag-post sa kanyang Facebook page na mayroon umanong 9,000 na bagong kaso ng COVID-19 sa Cebu City sa loob ng isang araw.

Kinontra naman ito ni Cebu City Mayor Edgardo Labella at sinabing ‘fake news’ ang nasabing post, at inabisuhan ang PNP Cybercrime Unit na umaksyon ukol dito.

Sabado naman ay nag-post si Beltran sa kanyang Facebook page na wala umano siyang intensyon na magdulot ng pagkalito at takot, kung saan binura din niya ang kontrobersyal na post.

Ang nasabing pahayag ni Beltran ay ukol sa anunsyo ng Cebu City Health Department na hindi na sila magma-mass test sa Sitio Zapatera sa Barangay Luz dahil tinuturing nila na ang lahat ng residente doon na tinitirhan ng 9,000 katao ay infected na ng nasabing virus.

Si Beltran ay napanood sa pelikulang “ Mula Sa Kung Ano ang Noon” ni Luv Diaz. Nagbida siya sa short film na Pagbalik nu’ng 2006. Naging artista rin siya sa award winning movie na ‘Confessional’ na idinirek nina Jerrold Tarog at Ruel Dahis Antipuesto. (RP)