CebuPac idedemanda ng judo team

DETERMINADO ang Judo team mula Baguio City na maparusahan ang Cebu Pacific dahil sa nangyaring aberya noong Agosto 25.

Patungong Puerto Princesa City ang judo team nang baguhin umano ang boarding gate ng CebuPac dahilan para hindi makasampa ng eroplano ang lahat ng 17 miyembro ng Baguio City judo team, kasama ang mga coach, na noo’y papunta sa Palawan para lumahok sa 2019 Batang Pinoy National Championships.

Ayon kay Sharon De Veyra, isa sa coach ng judo team, hindi umano sila naabisuhan sa pagpapalit ng boarding gate, na mula 119 patungong 134, dahilan para hindi nila maabutan ang 6:30am flight 5J635 gayong alas-4 pa lang umano ng madaling-araw ay naroon na sila sa NAIA Terminal 3.

Nakaabot sila sa pinaglipatang boarding gate ngunit hindi na pinayagang makasama sa flight, dahilan para sa kasunod na araw na sila makalipad at pinagbayad pa ng P5,240 kada tao.

Naiulat naman sa Palawan News, base sa pahayag ni CebuPac corporate communications director Charo Lotgarta Lagamon, na nilakad na ang full refund para sa mga ticket na hindi nagamit ng judo team.

Ngunit hindi pa rin kumbinsido rito ang pamunuan ng Baguio judo delegate, napaulat na magsasampa ng kaso kontra Cebu Pacific ukol sa nangyaring insidente.

Sa tweet ng PHL News Insider (@PHLNewsInsider), sinabi nitong “THIS JUST IN: (DEVELOPING) Baguio to sue Cebu Pac over Judo team’s flight delay to Batang Pinoy championships.” (RP)