CebuPac, PAL hinahanap seatmate ng nCoV positive

Nakikipagtulungan na umano sa awtoridad ang Philippine Airlines at Cebu Pacific (CebuPac) na sinakyan ng babaeng Chinese na nagpositibo sa no­vel coronavirus (nCoV) na galing sa Wuhan.

Kinokontak na umano ng CebuPac at PAL ang lahat ng mga pasahero na naging katabi ng 38-an­yos na babaeng Chinese mula Wuhan na nagpositibo sa unang kaso ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa Pilipinas.

Nakikipag-ugnayan na umano ang dalawang airline company sa Department of Health at Bureau of Quarantine para matunton ang mga pasahero na delikadong nahawa rin ng sakit.

“We are in the process of contacting passengers seated in the vicinity of the positive nCoV patient and are taking the necessary precautions to inform them so they can have themselves checked in case they show flu-like symptoms,” sabi ng CebuPac.

Wala naman umanong ipinapakitang sintomas ang mga crew at piloto na kasama sa flight, habang dumaan na sa disinfection ang eroplanong sinak­yan ng nCoV patient.

Samantala, sinailalim na umano ng PAL sa qua­rantine ang dalawang piloto at apat na cabin crew na kasama sa flight na sinakyan ng babae mula Wuhan. Nagpapatupad na rin umano ito ng mahigpit na polisiya na hindi tatanggap ng pasahero mula sa Hubei, China.

Naka-isolate na sa San Lazaro Hospital ang babaeng positibo sa nCoV, gayundin ang isa nitong kasama na sinusuri rin sa sakit.