Celebrity videographer kinaladkad sa harassment, pumalag

Binasag na ng celebrity wedding videographer na si Jason Magbanua ang kanyang katahimikan laban sa isang umano’y gawa-gawang account na may apat na buwan nang nanggugulo sa kanya.

Minabuti ni Magbanua na sagutin na ang mga alegasyon na ipinapakalat ng isang ‘ananymous account’ na nagki-claim na may anak sa kanya si Magbanua at ikinakama nito ang kanyang mga kliyente.

Nabatid na ang pangalan ni Magbanua ay top-trending Twitter topic sa Pilipinas dahil sa Facebook post ng isang ‘Jaime Dy’ na nag-circulate sa social media nitong linggo.

Sinabi ni Dy na siya ay mula sa Tampa, Florida pero ang kanyang mga account sa Twitter at Facebook ay walang litrato o anupamang impormasyon at hindi malinaw kung Jaime Dy ang tunay nitong pangalan.

Sinabi ni Dy sa Facebook group for wedding suppliers na nag-viral na nakilala niya si Magbanua noong 2015 sa isang kasal kung saan siya ang bridesmaid at nagkaroon sila ng one night stand na nauwi sa kanyang pagbubuntis.

“I found out I was pregnant the same time I found out about his allegedly ex-wife and his girlfriend,” ayon kay Dy.

Sinabi ni Dy na mag-isa niyang inalagaan ang anak at hindi niya inistorbo si Magbanua hanggang ang kanilang anak ay ma-diagnose na may leukemia at gusto niyang makilala ng bata ang kanyang ama bago ito mamatay pero hindi umano ito tinugon ni Magbanua at binalewala.

Bukod sa pagtawag ng iresponsableng ama, sinabi rin umano sa kanya ng ilang babae na naikama sila ni Magbanua at nagbigay pa ito ng profile ng mga babae na nakarelasyon nito pero hindi binanggit ang kanyang pangalan.

Nanindigan naman si Magbanua sa kanyang statement na gawa-gawa lamang ang account na Jaime Dy at gumagawa rin ito ng istorya at hina-harass ang kanyang mga kaibigan at pamilya ng may apat na buwan na.

“How do you fight a ghost? An anonymous ­account who’s been harassing you, your family, your friends and clients for the past four months. Nameless and faceless,” ayon sa post ni Magbanua.

Hinamon pa ni Magbanua si Dy na lumantad, kumuha ng abogado, tawagan siya at pumunta sa kanyang tanggapan.

Sinabi rin ni Magbanua na hindi taga-Florida si Dy dahil ang IP address ng Instagram account nito ay sa Metro Manila at gumagamit rin ito ng Instagram handle @sigmund_magbanua, kung saan pati anak niya ay hina-harass nito.
Kada buwan, pinapalitan umano ni Dy ang kanyang kuwento sa umano’y kanyang anak.

Nitong Oktubre, sinabi ni Dy na namatay ang kanyang anak gamit ang handle @jaimeisbackatit: “You should’ve went (sic) to our son’s funeral” at itinag pa nito ang kanyang mga anak.

Inakusahan pa ni Magbanua si Dy na nagtatangkang bumuo ng isang movement laban sa sexual harassment na hindi naman nag-i-exist.

Nang tanungin umano ni Magbanua kung ano ang gusto ni Dy, sinabi umano nito na gusto siyang ibagsak. Sinabi pa ni Magbanua na dahil sa ginagawa ni Dy ay nakakaranas siya ng anxiety at nababahala rin siya para sa kanyang partner at mga anak.

Sinabi pa ni Magbanua na hindi siya naghuhugas-kamay at hindi niya nililinis ang sarili sa anumang responsibilidad at hindi naman umano siya Santo.

Tiniyak naman ni Magbanua na papanagutin niya ang may gawa nito sa kanya at hindi siya mapapabagsak nito tulad ng gustong mangyari ni Dy. Naging tanyag si Magbanua sa kanyang propesyon dahil sa maganda niyang mga proyekto at kabilang sa kanyang mga naging kliyente ay sina Anne Curtis at Erwan Heusaf, Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo at Pauleen Luna at Vic Sotto. (Juliet de Loza-Cudia)