Cellphone bawal sa klase – DepEd

Umapela kahapon ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang at guro na turuan ang mga estudyante sa responsableng paggamit ng kanilang cellphone kasabay ng balik-eskwela ngayong Lunes.

Binigyang-diin ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na ang pagbabawal gamitin ang cellphone sa oras ng klase ay mahigpit na ipinag-uutos sa ilalim ng DepEd Order 83 series of 2003.

Sa nasabing kautusan, ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone sa mga mag-aaral ng elementary at secondary school.

Ayon kay Sevilla, noon pang 1999 sinimulan nilang ipatupad ito.

Kasabay nito, hiniling ni Sevilla sa mga magulang na ikonsidera ang pagpapagamit ng cellphone sa kanilang mga anak lalo pa ngayong ginagamit ito sa pagpapakalat ng mga hubad na larawan.

Nanawagan din ang opisyal sa mga guro na mahigpit na ipatupad ang kautusan ng DepEd pero dapat ay pag-usapan nila ito ng mga magulang ng mga mag-aaral.

Sinabi pa ni Sevilla na maaaring ipaalam lahat ng makakaharap na problema sa unang araw ng balik-eskwela sa Action and Command Center ng DepEd. (PNA)