Uumpisahan na ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagmamanman sa mga vendors sa bangketa na nagbebenta ng mga nakaw na cellphone na nagiging ugat umano ng snatching, pangdurukot at panghoholdap sa mga inosenteng sibilyan sa lungsod.
Aksyon ito ng QCPD, makaraang mapatunayan ang talamak na bentahan ng cellphone na pinaniniwalaang mga galing sa nakaw sa isang lugar sa Batasan Hills kamakailan.
Ito’y matapos na arestuhin kamakalawa ang 10 tindero ng cellphone ng mga operatiba ng QCPD sa ginawang pagsalakay sa bangketa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue matapos na pormal na magreklamo ang isang biktima ng pagnanakaw ng cellphone at nakita ito sa mga ibinibentang cellphone sa bangketa.
Ayon kay QCPD Acting District Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar, dahil mura lang ang bentahan ng cellphone sa lugar, mabilis na naipapasa ng mga magnanakaw ang kanilang mga nakaw na cellphone.