Central Luzon mayor tinatago ang lider ng gun-for-hire group

Tukoy na umano ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP) ang isang alkalde sa Central Luzon na siyang nagkakanlong sa lider ng isang sindikato na sangkot sa mga kaso ng kidnapping at gun-for-hire sa Region 3 at Metro Manila.

Ayon kay PNP-AKG director Chief Supt. Glen Dumlao, kanila nang mino-monitor ang hindi pa nito pinangalanang alkalde at patuloy ang ginagawa nilang case build-up laban sa naturang lokal na opisyal na umano’y nagkakanlong sa wanted na lider ng sindikato na si Ricardo Peralta.

Bukod dito, kilala na rin umano ng grupo ni Dumlao ang dalawang politiko na gumagamit sa grupo ni Peralta sa kanilang mga iligal na aktibidades.

Pero hindi rin muna pinangalanan ni Dumlao ang dalawang politiko upang hindi masira ang kanilang follow-up operation.

Samantala, mula sa dating P5 milyon ay itinaas na ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa P10 milyon ang reward money para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Peralta.

Ayon pa kay VACC president Boy Evangelista sa ginanap na press conference sa Campo Crame kahapon, nadagdagan ang pabuya dahil sa tulong ni Gapan, Nueva Ecija Mayor Emerson Pascual, kapatid nina Erickson at Ebertson Pascual na pinatay ng grupo ni Peralta noong 2016 sa utos umano ni dating Gapan Mayor Ernesto Natividad.