Nanindigan si Tourism Promotions Board (TPB) Chief Operating Officer Cesar Montano na aprubado ng promotion board ang P80 milyon budget para sa Buhay Carinderia project at matagal na umano itong ginagawa ng Department of Tourism (DOT).
“Regarding bidding, itong Buhay Carinderia ay approved by the board, at ang sole owner nito ay si Linda Legaspi, so ang hinihingi nila ay financial sponsorship. Itong financial sponsorship ay ginagawa matagal na, more than 10 years ng (Department of Tourism) at TPB,”giit ni Montano.
“Long before I assumed office, nandidiyan na ‘yan, it’s been a practice,” dagdag pa ni Montano.
Iginiit pa ni Montano na hindi kahit kelan nag-isyu ng memorandum ang Commission on Audit (COA) na nagbabawal sa TPB para sa sponsorships.
Gayunman, sinabi ni Montano na nakahanda siyang sumunod sa kautusan ni bagong hirang DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na suspendihin ang Buhay Carinderia para marebisa ng COA.
“I’m complying, I’m supporting all the directions of our new secretary Berna. Kaya po ibibigay ko lahat ‘yan para ma-review ng COA,” ani Montano.
Idinagdag pa ni Montano na susulatan niya ang nag-endorso ng proyekto para ibalik ang perang kanilang ibinayad.
Sinabi ni Montano na ang P80 milyon budget ay para sa unang phase ng proyekto sa Luzon at ito ay may apat na tranches kung saan tatlong checks ang naibayad na.
Itinanggi rin ni Montano na siya ang may pakana ng Buhay Carinderia.
Paliwanag ni Montano ang si dating Tourism Secretary Wanda Teo ang nagpakilala sa kanya kay Linda Legaspi ng Marylindbert International, may-ari ng proyekto na kaibigan umano ng nagbitiw na opisyal.
Itinanggi rin ni Montano na kumita siya sa TPB.
“Aboveboard po lahat ‘yan, wala po akong kinita diyan, hindi po ako dapat kumita diyan,” pagtanggi ni Montano.
Kaugnay nito, sa naganap na event sa New York City, USA, kung saan dalawang minuto lang siya nagtalumpati dahilan para madismaya ang mga organizer at mga audience ay sinabi nitong hindi siya ang keynote speaker.
“This event is not about my speech, it’s about the cultural fashion show, it’s about the presentation of Philippine Airlines, it’s about the presentation of the TPB which is untapped destinations para makita nila kung saan sila pupunta dahil nagsara na ‘yung Boracay,” ayon pa kay Montano.