Aminado ang liderato ng Kamara na lumalabo na ang tsansang maisulong ang panukalang pagbabago ng Saligang Batas o Charter change (Cha-cha).

Sa panayam sa telebisyon, inamin ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na gahol na sa oras ang mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na isulong ang Cha-cha bago matapos ang taon.

Masyado na aniyang abala ang mga kongresista sa paghahanda para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon na sinabayan pa ng pansamantalang pagkaantala ng pagdinig para sa pambansang budget dahil sa hindi pagkakaintindihan ng mga mambabatas at ng mga economic ma­nager ng administrasyong Duterte tungkol sa sistema ng cash-based budget na gagamitin para sa susunod na taon.

“You know it might not probably be completed in my remaining time in office especially there’s still be a plebiscite I hope to move it forward as far as I can during my time as speaker,” giit ni Arroyo.

Naghain si Arroyo noong Agosto 5 ng panukalang hiwalay na botohan sa pagitan Kamara at Senado kung sakaling amyendahan ng Kongreso na uupo bilang mga miyembro ng Constituent Assembly (Con-Ass) ang 1987 Constitution.

Nauna nang ipinaliwanag ni Leyte Rep. ­Vicente Veloso, chairman ng House committee on constitutional amendments, na ang panukalang pagsasapormal na hiwalay ang botohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay upang patayin ang agam-agam sa mga senador na may maitim na balak ang dating Pangulo kaya nito isinusulong ang Cha-cha.