Tila nagsara na ang pintuan sa pagnanais na mabago ang kasalukuyang sistema ng gobyerno tungo sa ­pe­deralismo.

Ito ay dahil sa ina­aprubahang panukalang Charter change (Cha-cha) ng mga kongresista kung saan lalong pinagalit nito ang publiko at lalong natabangan sa panukalang am­yenda sa Konstitusyon.

Sa ilalim ng panukalang Cha-cha ng mga kongresista ay inalis nito ang limitasyon sa termino ng mga mam­babatas at mga lokal na opisyal.

At higit sa lahat ay wala nang planong wakasan ang umiiral na political dynasty sa buong bansa.

Maliwanag na ang nilalaman ng bersyon ng Cha-cha ng Mababan ng Kapulungan Kongreso ay ayon sa kagustuhan at pakinabang ng mga politiko.

Sa kabutihang palad ay naiiba ang mga senador dahil nagpahayag na ang mga ito na hindi nila basta-basta matata­lakay ang panukalang Cha-cha na bukod sa wala nang oras ay inaasahan na ikakagalit ito ng taumbayan kung sasang-ayunan nila ang bersyon ng mga kongresista.

Sobrang kakapalan ng mukha ang ginawang ito ng mga kongresista dahil sila rin ang makikinabang dito at hindi man lang binigyan ng halaga ang interes ng taumbayan.

Mas pinalala pa nga ng bersyon ang kasalukuyang sistema na mayroong term li­mits sa mga opisyal ng gobyerno samantalang sa panukalang Cha-cha ay kabaliktaran ang mangyayari.

Suwerte pa rin ang taumbayan dahil ma­labong magtagumpay ang maitim na balakin ng mga kongresista dahil magdadaos na ng eleksyon sa susunod na taon kung kaya’t hindi na rin maaaksiyunan ang ­panukala.

Sana, sa mga nag-apruba ng panukalang Cha-cha ay matalo ang mga ito sa darating na eleksyon upang maalis na sa Kongreso ang mga makasariling politiko.